Base sa House Resolution 416 na inihain ng Makabayan solons, bukod kay Albayalde, hinihiling din ng mga ito pag-reresign partikular ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at PNP na lumutang sa imbestigasyon ng Senado sa ninja cops na itinuturong nasa likod ng pagtatago, pagbebenta, pagtatanim, pag-rerecycle at hindi tamang pagdedeklara ng mga nakumpiskang iligal na droga.
Dapat na anilang magbitiw si Albayalde para bigyang-daan ang patas at credible na imbestigasyon ng Mataas na Kapulungan patungkol sa drug recycling o ‘agaw bato’ scheme ng mga ninja cop.
Nakasaad sa resolusyon na ang mga ibinulgar ni dating CIDG chief at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong laban sa mga ninja cop at kay Albayalde ay malinaw na paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Umapela rin ito sa Office of the Ombudsman nang agad na pagsasampa ng kaso sa mga opisyal na mapapatunayang nasa likod nito.
Sa pagdinig ng Senado, ibinulgar ni Magalong na nakialam si Albayalde sa kaso ng mga pulis na sinasabing ninja cops na sangkot sa iligal na operasyon noong 2013 sa Pampanga kung saan hepe noon ng lugar ang PNP Chief.