Rationalization ng holiday, isinusulong sa Kamara

By Erwin Aguilon October 03, 2019 - 06:54 PM

Isinusulong sa Kamara ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay Rep. Joey Salceda na malimitahan ang mga holidays sa bansa.

Sa ilalim ng inihaing House Bill 5032 ni Salceda, nais nito na maamyendahan ang Section 26, Chapter 7, Book 1 ng Executive Order 292 o Administrative Code of 1987 na layong i-rationalize ang mga holiday sa Pilipinas.

Sa ilalim ng panukala, lilimitahan na sa siyam ang regular holidays na non-working days.

Ayon kay Salceda, ang bansa ang may pinakamaraming pinagdiriwang o ginugunita na holidays na nasa 21 hanggang 25 kada taon kumpara sa average na 15 holidays lamang kada taon sa ibang ASEAN countries.

Naglalayon din ito na maitaas ang productivity at competitiveness ng bansa dahil malaki ang kita na nawawala sa bansa dami ng holidays bukod pa ang mga kalamidad na tumatama sa Pilipinas.

Ang mga regular holiday ay Bagong Taon, Good Friday (movable date), Eid’l Fitr (movable date), Labor Day, Independence Day, All Saint’s Day, Bonifacio Day, Pasko at Rizal Day.

Samantala, may pito namang special days na working days na maaaring mapagkasunduan ng mga employer at employee na gunitain batay sa kanilang kultura, relihiyon at paniniwala.

Kabilang sa special days ang Chinese New Year, EDSA People Power Revolution, Founding Anniversary ng Iglesia ni Cristo, at kapanganakan ni Birheng Maria.

Mayroon ding dalawang local holidays tulad ng foundation at fiesta sa syudad at probinsya.

Sa kabuuan ay may 18 regular holidays, local holidays at special days na gugunitain sa bansa.

Nakasaad din sa panukala na kapag pumatak ng Miyerkules o Linggo ang regular holiday o special day ay maaari itong iurong ng Lunes para sa long weekend.

TAGS: Holiday, Kamara, rationalization, Holiday, Kamara, rationalization

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.