PDEA Chief Aquino kinumpirmang hiniling ni PNP Chief Albayalde na huwag muna ipatupad ang dismissal order sa 13 ninja cops
Kinumpirma ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na humiling si Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde na huwag munang ipatupad ang dismissal order laban sa labing-tatlong pulis-Pampanga na umano’y sangkot sa pag-recycle ng droga.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Aquino na tumawag sa kaniya si Albayalde taong 2016 para hilingin ang pagpapaliban sa dismissal order laban sa kaniyang mga dating tauhan noong siya ay Pampanga police provincial director pa.
Hiwalay pa aniya ito sa pagtatanong ng PNP chief ng estado ng kaso ng mga pulis.
Tinanong aniya niya si Albayalde kung bakit at sinabi umano ng PNP chief na dahil tao niya ang mga ito.
Ani Aquino, sinabi niyang ni-rerebyu ang order at ipatatapon ang mga nasabing pulis sa Mindanao.
Matatandaang sa pagdinig ng Senado noong Martes, hinikayat ni dating PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) director at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong si Aquino na ibunyag na ang buong laman ng pag-uusap nila ni Albayalde.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.