20 porsyento ng mga preso maximum security compound ng NBP namamatay kada taon

Inquirer file photo

Nasa dalawampung porsyento ng mga preso sa maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) ang namamatay kada taon, ayon sa opisyal ng NBP hospital.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) law, sinabi ni Ernesto Tamayo, direktor ng NBP hospital, na aabot sa 5 thousand 200 na preso ang nasasawi sa piitan bunsod ng iba’t ibang health condition.

Aniya, isa sa mga rason ay ang pagkalat ng ilang sakit sa piitan dahil sa pagiging overcrowded nito.

Hindi naman aniya ma-control ng pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) na mapigilan ang pagkalat ng ilang sakit tulad ng pulmonary tuberculosis.

Sinabi pa ni Tamayo na isa ring nagiging rason ng pagkamatay ng mga preso ay ang mga nagaganap na saksakan sa loob ng pambansang piitan.

Samantala, isiniwalat naman ni Godfrey Gamboa, dating preso sa Bilibid, na marami ring bilanggo ang nasasawi dahil sa pagkaing inihahanda sa kanila.

Mayroon aniyang pagkakataon na panis ang mga inihahanda sa mga preso. At dahil dito, nanghihina ang mga bilanggo.

Nilinaw naman ni Tamayo na isa itong isolated case dahil minsan lang nangyari ito sa loob ng Bilibid.

Ani Tamayo, botcha umano ang naihanda sa preso kung kaya’t sinuspinde ang caterer na naghain nito.

Dagdag pa nito, walang nasawing preso dahil sa malnourishment.

Read more...