Energy Department nakulangan sa ikinasang oil price rollback
Pinagpapaliwanag ng Department of Energy (DOE) ang mga kumpaniya ng langis hinggil sa presyo na ibinaba ng mga produktong-petrolyo noong nakaraang araw ng Lunes, Sept. 30.
Sinabi ni Director Rino Abad, ng Oil Industry Management Bureau ng DOE, iba ang kanilang pag-kwenta sa halaga na dapat nabawas sa gasolina, krudo at maging sa kerosene.
Aniya dapat ay mas mataas pa ang naging pagbawas at hindi lang P1.45 sa kada litro ng gasolina, 60 sentimos sa krudo at P1 sa kerosene.
Noong nakaraang linggo, tumaas ng P2.35 ang halaga ng bawat litro ng gasolina, P1.80 sa diesel at P1.75 naman sa kerosene at ayon sa DOE walang kinalaman sa paggalaw ng mga presyo ang pag-atake sa isang pasilidad ng langis sa Saudi Arabia.
Noong Lunes, tumaas naman ng P4.50 ang bawat kilo ng LPG o cooking gas at P2.50 naman ang nadagdag sa presyo ng auto LPG at ayon sa kagawaran may basehan naman ang ikinasang oil price hike.
Itinakda sa Oktubre 7, araw ng Lunes, ang deadline ng pagsusumite ng mga kompaniya ng langis ng kanilang paliwanag hinggil sa sinasabing mababang price rollback.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.