Babae sa Batangas patay dahil sa meningococcemia

Namatay ang isang 53-anyos na babae sa Tanauan, Batangas noong Setyembre dahil sa meningococcemia.

Ayon kay Department of Health-Calabarzon Regional Director Eduardo Janairo, kumpirmadong namatay ang babae sa naturang sakit batay sa resulta ng pagsusuri mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Nakumpirma lamang na meningococcemia ang tumama sa babae matapos itong mamatay.

Napag-alamang galing sa Middle East ang babae at umuwi sa Pilipinas nitong Mayo.

Pero ayon kay Janairo, Setyembre lamang nang makaranas ng mga sintomas ang babae kaya’t masasabing nakuha ito sa Pilipinas dahil ang incubation period ay isa hanggang sampung araw lang.

Nagkaroon ng mga pantal sa katawan ang babae, nakaranas ng pananakit ng ulo, mataas na lagnat at stiff neck na pawang sintomas ng meningococcemia.

Dahil dito, kumuha ng blood samples mula sa babae na ipinadala sa RITM para sa kumpirmasyon.

Sinusuri pa ngayon ang pagkamatay ng tatlong bata mula sa rehiyon na posible rin umanong namatay dahil sa sakit.

Nilinaw naman ni Janairo na wala pang outbreak ng meningococcemia at ang mga ulat ng pagkasawi ay mga isolated cases lamang.

 

Read more...