Sumalang na sa public interview ng Judicial and Bar Council ang apat na mahistrado na nag-aagawan para makuha ang Chief Justice position.
Miyerkules ng umaga nang sumailalim sa interview sina Associate Justices Diosdado Peralta at Jose Reyes, Jr. at hapon naman sina Associate Justices Andres Reyes, Jr. at Estela Perlas-Bernabe.
Si Peralta ang most senior justice sa mga nominado sa CJ post.
Ang mga miyembro ng panel na gumisa sa apat ay sina retired SC associate justices Jose Mendoza at Noel Tijam, at retired judges Toribio Ilao, Jr. at Franklin Demonteverde, Sr.
Ang public interview ng JBC ay ilang araw bago ang nakatakdang pagreretiro ni Chief Justice Lucas Bersamin sa Oct. 18.
Pipili ang JBC ng mga kandidatong ipapasa kay Pangulong Rodrigo Duterte na siya namang magtatalaga ng bagong CJ.
Mayroong 90 na araw ang pangulo para makapagtalaga ng bagong chief justice matapos ang araw ng pagreretiro ni Bersamin.