Foreigners na gumagamit ng mga pekeng travel documents arestado ng BI

Nahuli ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong dayuhan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa bogus na dokumento.

Ayon sa ahensya, naharang ang dalawang Pakistani na sina Murtaza Ghulam, bente y nuwebe anyos, at Sultan Muhammad Tayyab, bente-kwatro anyos, sa NAIA Terminal 2 matapos mahulihan ng pekeng Canadian visa at electronic travel authorization papers.

Patungo sana ang dalawa sa Vancouver, Canada noong September 1, 2019.

Inamin ng mga dayuhan na nakuha ang mga pekeng dokumento mula sa isang sindikato sa Malaysia kung saan nagbayad sila ng $200.

Samantala, nahuli rin ang isang Vietnamese dahil sa pekeng Malaysian passport.

Matapos alertuhin ng isang airline staff ang ilang immigration officer ukol kay Yang Gong An, bente-siyete anyos, kumpirma ng forensic document laboratory na peke ang kaniyang pasaporte.

Kasabay nito, ipinag-utos ni BI Commissioner Jaime Morente kay BI Port Operations Division chief Grifton Medina ang mas mahigpit na pagbabantay para maiwasan ang pagpasok ng mga international syndicate sa bansa.

Isasailalim ang tatlong dayuhan sa blacklist ng BI para hindi na muling makabalik ng Pilipinas.

Read more...