Kinumpirma ng Manila Broadcasting Company (MBC) na nadamay sa sunog na nagsimula sa Star City ang lahat ng kanilang opisina.
Sa press briefing ni Atty. Rudolph Steve E. Jularbal, Vice President ng Legal and Regulatory Compliance Group ng MBC, inihayag na ang studios ng DZRH, Love Radio, Easy Rock at Yes FM ay hindi na ligtas pang gamitin.
Ani Jularbal, patuloy ang magiging operasyon ng kanilang radio stations maliban sa DZRH.
Umaasa anya silang maibabalik din ngayong araw o bukas ng umaga ang operasyon ng DZRH.
Gayunman, posibleng hindi umano ito magiging normal dahil sa problema sa ilang equipment.
Ang bahagi ng broadcast operations ay inilipat na sa Ortigas Center, Mandaluyong kaya’t patuloy na sasahimpapawid ang FM stations.
Wala namang nasaktang empleyado ng MBC dahil sa agarang evacuation.
Ayon kay Jularbal, batay sa iniulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) ay nagsimula ang sunog sa Star City sa bahagi ng Snow World.