Inihayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na umabot ng 397 na mga titulo ng lupa ang naipamahagi sa ilang mamamayan ng Isulan, Sultan Kudarat.
Paliwanag ni DENR Secretary Roy Cimatu na ito ay bahagi ng programa ng kanilang ahensya na “Handog Titulo” program.
Ayon kay Cimatu , isa ito sa mga 10-point socio-economic agenda ni President Rodrigo Duterte kung saan layunin nito na matiyak na mabigyan ng pabahay at lupa ang mga mahihirap na mga Pilipino.
Aniya na pinangasiwaan ni DENR Region 12 Assistant Director for Technical Services na si Ma. Socorro Lanto ang pamamahagi ng titulo.
Samantala sinabi ni Lanto, katuwang sa nasabing programa ang local government ng Sultan Kudarat at Land Registration Authority (LRA).
Dagdag pa ni Lanto na kasama sa kautusan ng kanilang ahensya ang pangangasiwa at pamamahagi ng lupa na pagmamay-ari ng gobyerno.
Bago nito, namahagi rin ng 300 na land titles ang DENR Region 12 sa ilang residente ng Matalam, North Cotabato.