Libo-libo ang dumagsa sa inter-faith prayer rally sa labas ng Senado ng mga kontra sa isinusulong na SOGIE o Sexual Orientation, Gender Identity and Expression Bill.
Sa loob naman ng Senado ay inilunsad ang isang information campaign ng mga sumusuporta sa panukala para lubos na maintindihan ang kanilang posisyon.
Ibinigay ng mga tutol sa panukala sa pangunguna ni House Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva kay Senate President Vicente Sotto III ang kanilang position paper na anila ay base sa kanilang pagsasaliksik.
Ayon sa kanila, hindi maituturing na pagkapantay-pantay sa lahat ang layon ng panukala dahil hindi naman lahat ay sang-ayon dito.
Pagtitiyak ni Sotto, mayorya sa kanyang mga kapwa senador ang may agam-agam din sa SOGIE Bill.
Paliwanag ng senador, naniniwala sila na may mga sapat ng batas para protektahan at tiyakin ang pantay na pagtingin sa lahat ng nilalang.
Sa bahagi naman ni Villanueva, nilinaw nito na wala silang galit sa mga miyembro ng LGBTQI+ community at sa mga sumusuporta sa kanila.
Sa bahagi naman ni Sen. Risa Hontiveros, na isinusulong ang iniakdang SOGIE Bill, makakabuti aniya na idaan na lang sa diskusyon sa plenaryo ang lahat ng argumento.
Tiwala din ito na maraming senador ang sumusuporta sa panukala at sinagot din nito ang pahayag ni Sotto ukol sa mga batas na nagbibigay proteksyon na sa lahat.