Ilang mga kongresista tutol na ilaan sa Universal Healthcare Law ang kita sa road user’s tax
Hindi pabor ang ilang mga kongresista na mapunta sa Universal Healthcare Law ang kikitain ng pamahalaan sa panukalang itaas ang singil na Motor Vehicles Users Charge (MVUC) o road user’s tax.
Sa pagdinig ng komite nitong araw, binigyan diin ni House Deputy Speaker for Finance Luis Raymund “Lray” Villafuerte Jr. na may ibang maaaring pagkuhanan ng pondo ang pamahalaan para sa Universal Healthcare Law katulad ng “off budget” mula sa Pagcor at savings mula sa ibang ahensya ng pamahalaan.
Bukod dito, malaki na rin aniya ang kinikita ng Philhealth mula sa mga premium contributions pa lamang.
Ayon kay Marikina Rep. Stella Quimbo, lumalabas na P144 billion ang nakolekta na ng PhilHealth sa premium contributions.
Sapat na aniya ang naturang halaga para bayaran ang hospitalization at primary care ng mga pasyente na layong tulungan ng Universal Healthcare Law.
Mas mainam ayon kay Quimbo na ilagay na lamang ang 50 percent allocation ng MVUC sa road safety.
Suportado ito ni Villafuerte sa pagsasabi na ito naman talaga ang nilalayon ng panukalang taasan ang road user’s tax.
Sa House Bill 4695 na inihain ni House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda, 50 porsyento ng revenue ng MVUC ay ilalaan sa Universal Healthcare Law at 50 percent din para sa jeepney modernization.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.