Revised IRR ng GCTA Law, kinuwestyon sa Korte Suprema ng walong heinous crime convicts

By Ricky Brozas September 30, 2019 - 11:31 AM

Hindi pa man nagkakabisa o tuluyang naipatutupad, kinuwestiyon na sa Korte Suprema ng ilang mga inmate ng New Bilibid Prisons (NPB) ang Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act 10592 o Expanded GCTA Law.

Walong heinous crime convict ang naghain ng petisyon sa pangunguna ni Russel Fuensalida na nahatulan sa kasong rape noong taong 1993 ng Makati City Regional Trial Court.

Pinangalanang respondent sa petisyon sina DOJ Secretary Menardo Guevarra, DILG Secretary Eduardo Ano, Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag at Bureau of Jail Management and Penology Chief Allan Iral.

Hiling nila na pigilan ang BuCor na ipatupad nang retroactive ang exclusion na nakasaad sa Section 1 ng RA 10592, gayundin sa ilang probisyon ng Revised IRR.

Ang exclusion ay tumutukoy sa mga disqualified Persons Deprived of Liberty na hindi dapat makinabang sa pinalawig na GCTA.

Sila ay iyong mga recidivist, habitual deliquent, mga tumakas mula sa bilanguan at mga nahatulan o nakasuhan ng heinous crime.

Ang nasabi raw kasing probisyon ay disadvantageous sa mga dati nang nakakulong bago ang pag-iral ng RA 10592.

Ipinapadeklara rin nila na invalid ang mga probisyon na nagtatakda ng kaparehong exclusion o disqualification para sa mga dapat makinabang sa GCTA sa panahon ng preventive imprisonment, sa mga dapat mabigyan ng dagdag na time allowance dahil sa pagtuturo o pag-aaral, at sa mga dapat magawaran ng special time allowance for loyalty o STAL.

Ang mga nasabi raw kasing probisyon ay wala naman sa itinatakda ng mismong batas at maituturing na executive legislation.

Ipinapadeklara rin nila na invalid ang probisyon sa IRR na nagtatakda na maari pa ring magawaran ng time allowance ang mga disqualified sa expanded GCTA na nakulong bago ang pag-iral ng RA 10592, pero ito ay sa mas mababang time allowance na nasa ilalim ng Revised Penal Code.

Giit ng mga petitioner, ito ay labag sa Article 22 ng Revised Penal Code na nagtatakda na ang penal laws na paborable sa mga convict ay mayroong retroactive effect.

Maging ang probisyon sa Revised IRR na nagsasabing hindi na kailanman magagawaran ng time allowances ang mga disqualified PDL sa expanded GCTA na nakulong o nahatulan pagkatapos ng pag-iral ng RA 10592 ay kanila ring ipinadedeklarang invalid dahil ito raw ay labag sa equal protection clause na ginagarantiyahan ng Saligang Batas.

Bunsod, nais din nila na ipag-utos ng Korte Suprema sa BuCor at BJMP na i-recompute ang time allowance ng mga petitioner at ng iba pang mga inmate na nasa kahalintulad nilang sitwasyon at sila ay palayain agad kung lalabas na napagsilbihan na nila nang buo ang kanilang sentensya.

Naniniwala ang mga petitioner na sila ay dapat makinabang sa Revised IRR, at sila ay dapat palayain ito man ay magdulot ng public outrage o galit ng publiko.

TAGS: Expanded GCTA Law, New IRR, Supreme Court, Expanded GCTA Law, New IRR, Supreme Court

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.