Umani ng batikos ang desisyon ng BBC na i-censure ang isa nitong anchor na bumatikos kay US President Donald Trump.
Nag-demand ang mga mamamahayag at celebrities sa London na baligtarin ng BBC ang desisyon nito na nilabag ng isa nilang anchor ang kanilang editorial guidelines on impartiality dahil sa komento nito laban kay Trump.
Nakahanap ng kakampi si BBC Breakfast anchor Naga Munchetty na tumalakay sa pahayag ni Trump na dapat nang bumalik ang apat na babaeng American lawmakers sa anyay bulok na lugar na kanilang pinanggalingan.
Sa episode ng programa, ipinahiwatig ni Munchetty na nakapaloob sa racism ang sinabi ni Trump.
Hindi umano nito inaakusahan ang sinuman pero may pakahulugan anya ang ilang mga salita.
Ayon sa BBC, sumobra ang komento ng anchor dahil bawal umano sa kanilang editorial guidelines na magbigay ng opinyon ang anchor ukol sa pahayag ng isang indibidwal gaya ni Trump.
Pero sa isang liham sa pahayagang Guardian, inihayag ng nasa 40 na sikat na mga celebrities ang kanilang suporta sa anchor.
Anila, tila lumalabas na totoong nagkaroon ng racism dahil sa pagharang ng BBC sa puna ng anchor laban sa umanoy nagpahayag ng racism na si Trump.