Makalipas ang 37 taon, bumalik sa Philippine Military Academy (PMA) si Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde para sa parangal na ibinibigay para sa mga magreretirong opisyal na nagkaroon ng mataas na posisyon sa militar at pulisya.
Sinaksihan ni Albayalde ang testimonial parade and review na nilahukan ng mga kadete ng PMA bilang parangal sa kanya.
Sa panayam ng mga mamamahayag sa Baguio City araw ng Sabado, inalala ni Albayalde ang hirap na dinanas niya bilang kadete.
Pero ang determinasyon at pagnanais anya na maglingkod sa bansa ang dahilan kaya nanatili siya sa PMA.
Sadyang isinabay ang parada sa parehong araw kung kailan nag walkout ang klase ni Albayalde, ang Sinagtala Class of 1986 na noon ay nasa kanilang ikalawang taon sa PMA, bilang protesta sa pagkasangkot ng dalawa nilang kaklase sa isang kaso ng hazing noong dekada 80.
Ang parusa anya sa kanila noon ay araw-araw silang nagmartsa sa PMA oval sa ilalim ng tirik na araw.
Bago ang kanyang mandatory retirement age na 56 sa November 8, nasasangkot ngayon si Albayalde sa isyu ng “ninja cops.”
Itinanggi ito ni Albayalde sabay giit na seryoso ang gobyerno sa drug war.
Para sa kanyang legacy, sinabi ni Albayalde na bahala na ang publiko kung paano siya huhusgahan basta ginawa niya ang lahat at ibinigay niya umano ang kanyang “best.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.