Timbog ang sinasabing spotter ng umanoy drug queen na si Guia Gomez Castro sa buy bust operation ng pulisya sa Sampaloc, Maynila alas 9:00 Sabado ng gabi.
Ayon kay Manila Police District (MPD) Station 4 commander Police Lt. Col. Robert Domingo, nakuha sa suspect na si Marlon dela Cruz ang 8 na sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P30,000 at P500 marked money.
Nahuli ang suspect sa kanto ng Algeciras at Simoun Streets na sakop ng Barangay 484 Zone 43 kung saan dating chairwoman si Castro.
Ayon sa pulisya, ang suspect ang nagsisilbing look-out sa operasyon sa droga ng tinaguriang drug queen.
Una nang naiulat na si Castro ang bumibili at muling nagbebenta ng mga droga mula sa mga “ninja cops.”
Sangkot ang ilang pulis sa pag-recycle ng mga droga na nakumpiska sa mga anti-drugs operations.
Kumpirmadong wala na sa bansa si Castro na itinanggi na ang alegasyon laban sa kanya.