Sa layong mawala na ang mga hindi sumabog na mga bomba sa Marawi City, pinasabog ng militar ang ilang bomba na nakuha mula sa mga guho sa lungsod sa pamamagitan ng ginawang detonation sa Barangay Marinaut araw ng Sabado.
Dalawang taon makalipas ang pagkubkob ng Maute Group, patuloy ang clearing operation sa mga debris sa Marawi City.
Ayon kay Lt. Col. Elmer Oamil, deputy commander ng Joint Task Force Group Builder ng Philippine Army, kabilang sa mga pinasabog ang isang air-dropped 110 pounds na bomba, daang-daang surface bombs gaya ng M-203 grenades at dalawang improvised explosives devices.
Ang pagpapasabog sa mga bomba ay bahagi ng patuloy na hakbang na linisin ang Marawi City ng mga “unexploded ordnance” para matuloy na ang reconstruction sa lugar.
Matatandaan na inatake ng ISIS-inspired Maute Group ang Marawi City at tumagal ng limang buwan ang bakbakan sa pagitan ng mga terorista at tropa ng gobyerno.