Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na matagal nang hinihiling ni Pangulong Rodrigo Duterte ang emergency powers para solusyonan ang traffic congestion pero hindi ito ibinibigay dahil sa pangamba sa pag-abuso at korapsyon.
“O ‘di ba sinabi ni Presidente, ‘Eh gusto kong gawan ng paraan, ayaw ninyo naman,” ani Panelo.
Ang pahayag ng kalihim ay matapos ang ulat ng Asian Development Bank (ADB) na ang Metro Manila ang most congested city sa buong Asya.
Ayon kay Panelo, kailangang magtulungan ang lahat ng sangay ng gobyerno at mahihirap anya kung ang ehekutibo lang ang tutugon sa pangangailangan ng publiko.
“Kailangan kasi all branches must cooperate with each other. Hindi pupuwedeng isang branch lang ng gobyerno ang mamamahala at tutugon sa pangangailangan ng mga kababayan natin, otherwise, talagang mahihirapan,” dagdag ng kalihim.
Umaasa si Panelo na ang proposal ng San Miguel Corporation na gumawa ng 10-lane elevated expressway sa kahabaan ng EDSA ay maisakatuparan.
Sakali anyang magawa ito sa loob ng dalawang taon ay siguradong wala nang matinding trapiko sa EDSA.
“Hopefully. Kagaya ng sinabi ko sa inyo, iyong proposal ni Mr. Ramon Ang, maganda iyon; kapag nagawa niya iyon in two years, walang trapik ang Edsa,” ayon kay Panelo.
Samantala, tatalakayin anya sa susunod na Cabinet meeting ang mga paraan na maaaring gawin upang mapaganda ang sitwasyon ng trapiko.