Inilabas ni Senator Panfilo Lacson ang kopya ng sulat ni Capiz Second District Rep. Fredenil Castro kaugnay ng umanoy paghingi nito ng tulong pinansyal para sa bayan ng Dumalag sa lalawigan nito.
Ang 60 pahina na dokumento ay inapload ni Lacson sa kanyang opisyal na website araw ng Huwebes.
Ito ay bilang pangontra sa pahayag ni Castro na “fictional” o hindi totoo na siya ay sumulat sa senador.
Ayon sa kampo ng senador, sa sulat ng kongresista na may petsang September 19, 2019, nag-lobby o humiling umano ito ng tulong pinansyal para sa konstruksyon ng isang municipal building sa Dumalag na nagkakahalaga ng P258 million.
Dumating sa tanggapan ni Lacson ang sulat ni Castro noong September 23 at ayon sa senador, ito ang patunay na hiniling ng kongresista ang “attention and consideration” para sa itatayong bagong municipal hall.
Nakasaad sa sulat na idinahilan umano ni Castro na hindi kaya ng Dumalag na magtayo ng bagong municipal hall gamit ang sarili nitong pondo dahil ito ay isang fourth class na munisipalidad.
Ang palitan ng pahayag ng dalawa ay sa gitna ng isyu ng umanoy pork barrel na sinasabing nakapaloob pa rin sa panukalang P4.1 trillion national budget sa susunod na taon.
Ibinunyag din ng senador na may alokasyon na P1.5 billion ang bawat isa sa 22 deputy speakers ng Kamara, bagay na ayon kay Lacson ay hindi natuloy
Dahil dito ay hiniling ni Castro na humingi ng paumanhin si Lacson dahil sa anyay akusasyon na may pork barrel funds ang 2020 national budget.
Pero inakusahan ni Lacson si Castro na ito ang nagkumbinse sa kanya para i-lobby ang proyekto ng kanyang distrito.