CHR, kinondena ang pag-atake vs 3 pulis sa Oriental Mindoro

Photo grab from Commission on Human Rights of the Philippines’ Facebook page

Mariing kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang pag-atake laban sa tatlong pulis ng Pinamalayan Municipal Police Station sa Socorro, Oriental Mindoro.

Batay sa ulat ng pulisya, sugatan ang mga biktimang sina Chief Master Sergeant Ivan Fortus, Senior Master Sergeant Irene Lazo at Corporal Ivy Carmona matapos pagbabarilin habang papunta sa Calapan City.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Atty. Jacqueline Ann de Guia, tagapagsalita ng CHR, na mayroon ding pantay na karapatan ang mga pulis para mamuhay nang may dignidad.

Hindi rin dapat aniya makaranas ng karumal-dumal na pag-atake ang mga alagad ng batas.

Kasunod nito, hinikayat ng CHR ang gobyerno na magsagawa ng imbestigasyon sa kaso at alamin ang lahat ng posibleng anggulo sa insidente.

Sinabi ni de Guia na magsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang ahensya para matiyak ang pagkakaaresto sa mga responsable sa krimen.

Read more...