Random check-up sa mga kadete ng PMA, inirekomenda ng ilang kongresista
Inirekomenda ni House Deputy Majority Leader Bernadette Herrera-Dy na magkaroon ng random check-up sa mga kadete ng Philippine Military Academy (PMA).
Ayon kay Herrera-Dy, mawawala ang pang-aabuso sa Anti-Hazing Act of 2018 kung palagian ang pag-check sa pangangatawan ng mga kadete.
Malalaman aniya sa pamamagitan ng random check-up kung may mga kadete na pinapahirapan at naaabuso sa akademya.
Samantala, inirekomenda naman ni DIWA Partylist Rep. Michael Edgar Aglipay na mula sa third party ang magsasagawa ng eksaminasyon sa mga kadete.
Paliwanag ng mambabatas, ito ay para hindi maulit ang nangyari sa pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio na hindi naibigay ng mga doktor ng PMA nang tamang findings sa lagay ng plebo.
Dapat din aniyang maparusahan ang mga doktor na nagpabaya sa kaso ni Dormitorio.
Hiniling naman ni Herrera sa Department of National Defense (DND) at sa Philippine National Police (PNP) na isumite ang listahan ng mga training na pinagdaraanan ng mga kadete para ma-i-classify at maisama sa anti-hazing act.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.