Inilunsad ng Department of Health o DOH ang online Philippine National Formulary (PNF) at National Antibiotic Guidelines (NAG) sa gitna ng pagdiriwang ng bansa sa National Generics month.
Hangad ng programa na masiguro ang access ng publiko sa mahahalagang health information.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, ang PNF ay magsisilbing national reference na magbibigay-gabay sa national at local governments hinggil sa drug procurement, prescription at paggamit ng iba’t ibang mga gamot.
Dito rin makikita ang impormasyon kung papaano ang reimbursement ng claims sa Philhealth, mula sa mga pribado at pampublikong healthcare facilities.
Sinabi ni Domingo na ang mga gamot na nakalista sa PNF ay importante sa pagtugon sa mga “major disease” sa bansa.
Sa NAG naman, ayon kay Domingo, nakalatag ang mga rekumendasyon kung paano ang tamang “approach” para magamot ang common infectious diseases.
Layon din ng NAG na maisulong ang kalidad at tamang paggamit ng antimicrobials sa lahat ng healthcare facilities sa bansa.
Upang makita ang nilalaman ngPNF at NAG, bisitahin ang www.phardiv.doh.gov.ph.
Mayroon ding PNF Manual na ipi-print at ipapakalat sa mga healtcare facility sa huling quarter ng 2019.