Nangangamba na rin ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mas agresibong pang-aangkin ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas sa pinag-aagawang South China Sea.
Ito’y makaraang magpalipad at magpalapag na naman ang China ng hindi lang isa, kundi dalawang civilian planes sa artificial island na itinayo nito sa Kagitingan Reef of Fiery Cross Reef sa Spratlys.
Kaya naman ayon kay Foreign Sec. Albert del Rosario, kailangan nang kumilos ng Pilipinas para mapigilan ang agresibong pag-kilos ng China dahil kung hindi, maaring bumuo na naman ito ng hindi katanggap-tanggap na air defense identification zone sa lugar.
Aniya, kung hindi pa pipigilan ng Pilipinas ang China ngayon, posibleng mapunta pa tayo sa sitwasyon na mas mahirap nang resolbahin.
Nangyari na ito noong 2013 kung saan nagdeklara ang China ng katulad na zone sa East China Sea na pinag-aagawan rin nila ng Japan.
Base sa mga alituntunin sa ilalim na namamayagpag sa zone na ito, lahat ng mga sasakyang pang-himpapawid at dapat mag-report ng kanilang flight plans sa mga otoridad ng China, mag-maintain ng radio contact at sumagot agad sa mga identification inquiries.
Binatikos ito ng United States, at lumabag pa sila umano, kabilang ang mga Japanese at South Korean military sa patakaran ng zone na ito.
Dagdag pa ni Rosario, ipo-protesta nila ang mga test flights ng China sa Kagitingan Reef, tulad ng ginawa ng Vietnam na umaangkin din sa nasabing teritoryo na tinatawag nilang Da Chu Thap.
Matatandaang tinanggihan ng China ang protesta ng Vietnam dahil giit nila, ang kanilang ginawa ay sakop at napapa-ilalim sa soberanya ng kanilang bansa.