Duterte, itinangging naimbitahan na ng NPC
Wala pang natatanggap na anumang imbitasyon si Davao City Mayor Rodrigo Duterte mula sa Nationalist People’s Coalition (NPC) para sa isang pulong.
Ito’y sa kabila ng napaulat na pahayag ng NPC na nais ng kanilang pamunuan na makausap si Duterte upang madinig ang mga plataporma de gobyerno ng alkaldeng kakandidato din sa pagkapangulo sa 2016 elections.
Ayon kay Duterte, wala pa namang nakakarating na imbitasyon sa kaniya kaugnay sa anumang pulong o kung may sinumang nais kumausap sa kaniya.
Aminado naman ang alkalde na para maging isang politiko, kailangan ring maging isang “political animal”, at naniniwala siya na kung mayroong nakikitang pagkakatulad sa pagitan ng dalawang panig, doon lamang magkakaroon ng interes para magkaroon ng pag-uusap.
Gayunman, naninindigan pa rin si Duterte sa kaniyang mga isinusulong na platapormang tulad ng pagwa-wakas sa contractualization sa bansa.
Giit niya, hindi nabibigyan ang mga empleyadong Pilipino ng sapat na pagkakataon para magkaroon ng sapat na karanasan na kakailanganin sa mga mas matataas na antas ng trabaho.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.