Malapit na ang transition mula sa hanging Habagat patungong hanging Amihan sa bansa.
Sa 117th Climate Outlook Forum ng PAGASA araw ng Miyerkules, sinabi ni Climatologist Rusy Abastillas na mapapaaga ang transition period patungong Amihan.
Sa ngayon ay humihina na ang southwest monsoon o Habagat at posible anyang sa katapusan ng Oktubre o unang linggo ng Nobyembre ay maramdaman na ang Amihan.
Samantala, sa kabila ng mapapaagang pagpasok ng Amihan, inaasahan namang mas magiging mainit ang Christmas season ngayong taon kahit wala nang umiiral na El Niño.
Ayon kay Abastillas, ang temperatura sa Central Luzon at Metro Manila ay magiging 1 to 2 degrees Celsius na mataas sa average level.
Ang pinakamataas na temperatura na maitatala sa Metro Manila sa Disyembre ay papalo sa 32.1 degrees Celsius hanggang 34.5 degrees Celsius.
Ang mas mataas na temperatura ay sa kabila ng pagtatapos ng El Niño nitong July.
Sinabi ni Abastillas na batay sa models ng international climate prediction centers, walang El Niño o El Niña na iiral sa bansa hanggang sa July 2020.
Para naman sa rainfall forecast ngayong buwan, halos buong bansa ay makararanas ng generally near normal rainfall condition.
Inaasahan ang mas maraming pag-ulan sa eastern sections ng bansa partikular sa Aurora, Bicol Region at Quezon.
Kaunti naman o below normal ang inaasahang pag-ulan sa western sections ng bansa partikular sa Ilocos Region at Dagupan Area.
Inaasahan na papasok ang dalawa hanggang tatlong bagyo ngayong Oktubre, isa hanggang dalawa sa Nobyembre at wala o hanggang isang bagyo sa Disyembre.
Ayon kay Abastillas, kadalasang tinatahak ng mga bagyo sa mga panahong ito ay Central Luzon, Visayas at Mindanao.