Suspendidong pulis arestado sa buy-bust sa Muntinlupa
Natimbog ng mga tauhan ng PNP – Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ang isang suspendidong pulis sa buy-bust operation sa Brgy. Poblacion, Muntinlupa City, Miyerkules ng hapon.
Nakilala ang pulis na si Police Staff Sergeant Raphael Aves Justo ,na ayon sa PNP-IMEG ay matagal na nilang minamanmanan dahil sa pagtutulak ng droga.
Sangkot din si Justo sa mga insidente ng ‘hulidap’ sa Muntinlupa.
May mga video din na hawak ang IMEG kung saan makikitang humihithit ng shabu si Justo sa kanyang sariling bahay na ginawa nang drug den.
Kahapon, positibong nabilhan ng poseur buyer ng aabot sa P2,000 halaga ng shabu ang suspek.
Ayon sa record ng PNP, ilang beses nang nasuspinde si Justo at ang pinakahuli lamang ay ang inilabas na 41 days suspension ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na pagsisilbihan niya sana hanggang sa October 7.
Kasalukuyang nakadetine sa PNP-IMEG detention facility ang suspek na pulis.
Mahaharap ngayon ang pulis sa mga kasong kriminal at administratibo partikular ang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at grave misconduct.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.