Patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga tao sa Quirino Grandstand sa Maynila para sa pahalik sa imahen ng Poong Nazareno.
Matatandaang maagang dinala ang Itim na Nazareno sa Quirino Grandstand, dahil alas-10:30 pa lamang ng Miyerkules ay naihanda na ito doon.
Dahil dito, maaga pa lamang ng Huwebes ay naghihintay at pumila na ang mga deboto para magkaroon ng pagkakataong makahalik sa Poon.
Isinantabi nila ang pabago-bagong lagay ng panahon, kahit pa wala pa silang katiyakan kung anong oras magsisimula.
Pero nasulit naman ang kanilang matiyagang paghihintay dahil dakong alas-6 ng gabi, Huwebes, inumpisahan na ang taunang pahalik sa Poong Nazareno.
Mas maaga din ang ginawang pahalik, dahil ngayong araw pa lang ng Biyernes dapat ito gagawin, o sa bisperas ng mismong Pista ng Itim na Nazareno.
Samantala, as of 12am naman ay nananatiling tahimik at mapayapa ang sitwasyon sa Quirino Grandstand kahit pa patuloy pa rin ang pagdami ng mga debotong tumutungo doon.