(UPDATE) Sumiklab ang sunog sa receiving area ng Fisher Mall sa Quezon City, Miyerkules ng gabi.
Ayon kay Fire Sr. Insp. Joseph Del Mundo ng Bureau of Fire Protection (BFP) – Quezon City, nagsimula ang sunog bandang alas-11:30 ng gabi at agad itinaas sa ikatlong alarma alas-11:38 ng gabi.
Ang mabilis na pag-akyat sa ikatlong alarma sa sunog ay upang hindi na kumalat pa ang apoy sa katabing supermarket.
Idineklara naman itong fire under control alas-12:30 ng madaling araw at tuluyang naapula alas-12:41.
Tinitingnan umanong sanhi ng sunog ang pagpuputol ng bakal at pagwe-welding ng ilang construction workers.
Walang nasaktan sa sunog ngunit isang babaeng bumbero ang nahirapan huminga dahil sa kapal ng usok.
Nasa P100,000 ang halaga ng ari-ariang natupok ng apoy na karamihan umano ay kariton.