Hinikayat na ni Mayor Isko Moreno ang tinaguriang “drug queen” sa Maynila na sumuko na sa mga otoridad.
Gamit ang kaniyang Facebook account, hinikayat ng alkalde si Guia Gomez Castro na sumuko na at harapin ang mga kinakaharap na akusasyon laban sa kaniya.
Ani Moreno, makatutulong ang pagsuko ni Castro para linawin ang mga isinisiwalat na impormasyon sa publiko ukol sa umano’y illegal drug operation nito.
Sinabi pa ng alkalde na maaring magtungo si Castro sa kaniyang opisina anumang oras para masamahan sa pulisya upang mabigyan ng pagkakataon na magpaliwanag sa mga lumalabas na akusasyon.
Dagdag pa ni Moreno, hindi naman aniya basta-basta naniniwala hangga’t hindi pa ito napapatunayan.
Handa rin aniya ang pamahalaang lokal ng Maynila na tumulong kay Castro para makalapit sa pulisya.
Samantala, si Castro ay dating barangay chairman sa bahagi ng Sampaloc.
Noong April 25 hanggang June 25, 2019 sinabi ng alkalde na naghain ng leave of absense si Castro sa kaniyang opisina.
Ngunit hanggang ngayon, hindi pa aniya bumabalik si Castro sa kaniyang tungkulin kung kaya’t naglabas ng resolusyon ang barangay na alisin na siya sa pwesto.
Matatandaang sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar na nasa 16 na pulis ang umano’y konektado sa ilegal na drug operations ni Castro.