Hindi bababa sa 60 pulis ang patay, habang nasa 200 naman ang sugatan dahil sa pagsabog ng truck bomb malapit sa isang police base sa Zliten City, Libya ngayong Huwebes.
Walang umako sa naganap na pagsabog, ngunit isang lokal na grupong may kaugnayan sa Islamic State ang sumusubok nang sakupin ang Zliten, bukod pa sa kanilang central stronghold sa Sirte.
Ayon sa tagapagsalita ng isang ospital na si Moamar Kaddi, 60 katawan lang ang narekober nila sa pinangyarihan ng pagsabog, ngunit pinaniniwalaan ng mga opisyal na dose-dosena pa ang namatay maliban doon.
Sa nasabing base nagsasanay ang nasa 400 na police recruits, at ginagamit din ito para magbantay sa border kung saan pinipigilan nila ang human smuggling na nagaganap sa may Zliten.
Kilalang brutal ang mga smugglers sa Libya na handang gawin ang lahat huwag lang mabulilyaso ang kanilang mga operasyon.