Paratang ni Senator Lacson sa mga kongresista tungkol sa pork barrel kasinungalingan ayon kay Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva

Inalmahan ng ilang mga lider ng Kamara ang pahayag ni Senator Ping Lacson na mayroong isiningit na pork barrel sa ilalim ng 2020 national budget para sa mga deputy speaker.

Ayon kay Deputy Speaker at CIBAC Partylist Rep. Bro. Eddie Villanueva malaking kasinungalingan ang akusasyon ni Senator Lacson.

Sinabi ni Villanueva na Deputy Speaker for Good Governance and Moral Uprightness, nirerespeto niya ang senador pero wala itong matibay na basehan at wala ring katuturan ang claim nito laban sa mga kongresista.

Nauna naman nang nilinaw ni House Speaker Alan Peter Cayetano na fake news ang isinulat ng isang blogger tungkol sa pork barrel sa 2020 budget.

Nilinaw ni Cayetano na ang P1.6 Billion na dagdag sa P14 Billion na pondo ng Kamara ay ilalaan para sa pasilidad, dagdag na mga empleyado at research department ng institusyon.

Sa akusasyon ni Lacson mayroong tig P1.5 Billion ang bawat isa sa 22 Deputy Speakers habang P700 Million na alokasyon naman ay para sa mga ordinaryong mambabatas.

Read more...