Ayon kay Eleazar, sa minomonitor na mga pulis na umanoy nagre-recycle ng mga nakumpiskang droga sa operasyon, tatlo ang nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD), at tig-isa ang nakatalaga sa Manila Police District (MPD) at Northern Police District (NPD).
“Ito ‘yung for monitoring (They are being monitored). When we say monitoring, wala pa tayong ebidensya dito pero tinitingnan natin (we don’t have evidence against them yet but we are looking at the possibility they are involved),” ani Eleazar.
Inihayag ito ni Eleazar sa kanyang pulong sa lahat ng hepe ng 44 drug enforcement units sa NCRPO.
Dagdag ni Eleazar, sa limang pulis ay tatlo ang commissioned officers o may ranggong Police Lieutenant hanggang General at dalawa ang non-commissioned officers o may ranggong Patrolman o Patrolwoman hanggang Police Executive Master Sergeant.
Pero hindi anya kasama ang lima sa 16 na pulis na idinadawit sa tinaguriang “drug queen” na isang barangay chairperson sa Sampaloc, Manila.
Iginiit naman ni Eleazar na ipapatupad niya ang one-strike policy kung masangkot sa kalakalan ng iligal na droga ang pulis na nasa ilalim ng NCRPO.
Sa naturang polisiya, agad na sibak sa pwesto ang pinuno ng drug enforcement unit kung may tauhan ito na nahuling nagbebenta o gumagamit ng droga habang tatanggalin din ang station commander.
“Nasa inyo ang tiwala, kaya kung kayo, hindi man lahat masusupervise ng commander niyo itong mga bata niyo, pero kung may pumalpak doon, tigok kayo, tigok ang commander niyo (The trust is set on you, that’s why if you will fall short in supervising your men, you will be relieved along with your commanders),” pahayag ni Eleazar.