DOH: Bukod sa polio, mga kaso ng diphtheria, naitala na rin sa ilang lugar sa bansa

Dahil sa mababang vaccination coverage, ilan pang nakakahawang sakit ang muling nagbabalik sa bansa.

Sa pagdinig ng Senado sa immunization program ng gobyerno, sinabi ni DOH medical specialist Anthony Calibo na naiulat na ang mga kaso ng diphtheria sa ilang rehiyon kabilang ang Cordillera Administrative Region (CAR).

“In the last few months, we have also discussed as well several cases of diphtheria emerging as well in some regions of the Philippines,” ani Calibo.

Ang diphtheria ay isang seryosong bacterial infection na nakakaapekto sa ilong at lalamunan.

Sanhi ng sakit ay ang bacterium na Corynebacterium diphtheria na nagdudulot ng “pseudomembranes” o gray coating at natatagpuan sa ilang bahagi ng katawan tulad ng ilong, lalamunan at dila.

Sa ilang kaso ng diphtheria, napipinsala ng toxins ang puso, utak at kidneys at maaaring magdulot ng heart failure.

Sinabi ni Calibo na ilan sa mga problemang kinahaharap ng DOH ay ang kakulangan sa anti-toxin para sa mga sakit na nakakaapekto sa lalamunan tulad ng diphtheria.

Ayon kay Calibo, nakakaalarma na ang statistics sa mababang immunization coverage na napakahalaga para maiwasan ang mga sakit.

“Clearly, the statistics has been really alarming. And I think it’s more of really how a good complement of human resources will be able to muster that momentum from top down. Because right now, the immunization program is really understaffed,” dagdag ni Calibo.

Sa datos ng DOH para sa taong 2018, 55 ang kumpirmadong nagkaroon ng diphtheria kung saan 13 ang nasawi.

Ayon sa World Health Organization (WHO), bakuna pa rin sa mga bata ang pinaka-epektibong paraan para maiwasan ang naturang sakit.

 

Read more...