Amyenda sa “life imprisonment” na parusa pinalagan ng isang kongresista

Pumalag si Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate sa panukala na naglalayong amiyendahan ang Revised Penal Code at tanggalin ang probisyon na naglilimita sa sentensya ng life imprisonment sa apatnapung taon.

Sa pagdinig ng House Justice Committee sa House Bill 4553 na inihain ni Chairman Vicente Veloso, sinabi ni Zarate na mababalewala ang reformatory purpose o pagbabagong-buhay ng isang kriminal sa ilalim ng justice system kung mabubulok lang ito sa bilangguan.

Hindi aniya ito magiging patas sa ibang inmates kung aalisin ang probisyon ng Article 70 para lang maresolba ang isyu ng mga nakapag-avail ng Good Conduct Time Allowance na sangkot sa heinous crimes.

Iginiit rin ng Commission on Human Rights na ang average life expectancy ng isang tao ay 69 years old kaya higit isang henerasyon na ang pagkakakulong ng apatnapung taon na ipinapataw ng Reclusion Perpetua.

Depensa naman ni Veloso, hindi magiging katanggap-tanggap sa pamilya ng mga biktima kung ang isang convicted criminal na nakapatay o nanggahasa ng maraming tao ay makakalaya lang makalipas ang apatnapung taon sa halip na pagsilbihan ang dalawa o higit pang life imprisonment sentences.

Binanggit pa sa pagdinig na kapag tatlumpung taon na sa bilangguan ang isang inmate ay maaari na itong mag-qualify o mag-apply sa pardon gaano man kabigat ang nagawang krimen.

Read more...