Inamin ni Lorenzana na maaaring maapektuhan ng hakbang ang modernisasayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ang plano ng kalihim na humiling ng exemption sa pangulo ay dahil sa inaasahang epekto kapag itinigil ang tulong pinansyal at pautang ng ibang bansa na sumuporta sa imbestigasyon ng United Nations Human Rights Council ukol sa kampanya sa droga ng administrasyong Duterte.
Matapos na itanggi noong nakaraang linggo ay kinumpirma na ni Presidential Spokesman Salvador Panelo araw ng Lunes na mayroon memorandum na may petsang August 27 na nag-uutos sa lahat ng ahensya at iba pang tanggapan ng gobyerno na suspendihin ang negosasyon o kasunduan habang sinusuri ang relasyon ng Pilipinas sa ibang bansa.
Matatandaan na naghain ang Iceland ng resolusyon para imbestigahan ang kampanya sa droga ni Pangulong Rodrigo Duterte na suportado naman ng iba pang bansa.