Sa panayam ng media araw ng Lunes, sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na kasalukuyan nang pinag-aaralan ng kagawaran ang hirit ng manufacturers.
Ayon kay Lopez, hinihiling ang mas mataas na suggested retail price (SRP) dahil sa tumaas na presyo ng tin, raw material inputs at petrolyo.
Sinabi naman ni Lopez na posibleng payagan niya ang price increase basta’t maipatutunayan ng canned meat manufacturers na tumaas ang kanilang production cost.
Giit pa ng kalihim, hindi papayagan ng gobyerno ang adjustment sa SRP na lalampas sa 10 percent.
Paglilinaw pa ni Lopez, ang mas mataas na SRP ay hiniling ng canned meat manufacturers bago pa man ang outbreak ng African Swine Fever (ASF).
Samantala, bukod sa canned meat, maging ang mga gumagawa ng sardinas ay humihiling ng price hike dahil sa mas mahal na tamban.
Nagbabala naman si Lopez na posibleng magkaroon pa ng serye ng petisyon sa price increase kung tataas pa rin ang presyo ng produktong petrolyo.
Inanunsyo ni Lopez na kasalukuyang binabawasan ang bilang ng produktong sakop ng SRP list.
Nais anya na maibalik ang SRP list sa laman nitong 140 produkto upag mas mapadali ang monitoring ng retail prices.