Ikinasa ang malawakang pagbabakuna laban sa polio sa mga bata sa Davao City sa susunod na buwan matapos makumpirma na kontaminado ng naturang virus ang Davao River.
Ayon kay Dr. Josephine Villafuerte, City Health Officer, nakumpirma sa water samples ang pagkakaroon ng polio virus sa Davao River.
Ang naturang water samples ay ipinadala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Pero nilinaw ng City Health Office na sa ngayon ay walang kumpirmadong kaso ng polio sa Davao City.
Gayunman ay magsasagawa ng “massive vaccination drive” sa syudad para mapigilan ang pagkalat ng virus.
Nakatakda ngayong Martes, September 24 ang planning session ng lahat ng opisyal ng barangay.
Ayon kay Villafuerte, ang mga barangay officials ang responsable sa tamang pagtatapon ng dumi ng tao.
Hindi naman ipapasara ang mga resort o swimming pools pero binalaan ang publiko sa pagsi-swimming hanggang maideklarang ligtas ang Davao River.
Bukod sa Davao City, magkakaroon din ng malakawakang bakuna sa National Capital Region (NCR), Lanao del Sur, Central Luzon at Calabarzon.