Welcome sa palasyo ng Malakanyang ang panibagong survey ng Social Weather Stations na nagsasabing 82 percent sa mga Filipino ang kuntento sa anti-drug war campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, sampal ito sa mga kritiko o mga outsider critics na walang ibang ginawa kundi ang bumatikos.
Sinabi pa ni Panelo na nagsusumigaw at nagsalita na ang taong bayan at nararamdaman na ang pagbabagong itinataguyod ni Pangulong Duterte.
Sampal din aniya ito sa mga bansa na nakikialam sa soberanya ng Pilipinas na nagkukunwaring nababahala sa kapakanan ng mga Filipino.
Hamon ni Panelo sa mga kritiko, maglabas ng ebidensya na magpapatunay na umabot na sa mahigit dalawampung libong katao ang namatay sa anti-drug war campaign.
Sa panig ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar, sinabi nito na walang saysay ang imbestigasyon ng ibang bansa sa anti-drug war campaign dahil mismong ang taong bayan na ang nagsabi na lehitimo ang mga anti-drug war operations.
Apela ni Andanar sa mga kritiko, itigil na ang mga pambabatikos sa halip ay tumulong na lamang para mapaganda ang buhay ng bawat Filipino.