Klase at trabaho sa ilang lugar at ahensya ‘shortened’ ngayong araw, September 23

By Rhommel Balasbas September 23, 2019 - 01:39 AM

Pinaikli ang pasok sa eskwela at ilang opisina ng gobyerno ngayong araw, September 23, bilang bahagi ng pagdiriwang sa 27th National Family Week na simula na ngayong araw at matatapos sa September 28.

Alinsunod sa circular ng Civil Service Commission, hinikayat ang mga ahensya ng gobyerno sa pambansa at lokal na lebel, government-owned or controlled corporations at state college and universities na suspendihin ang trabaho eksakto alas-2:00 ng hapon.

Inirekomenda ito ng National Committee on the Filipino Family (NCFF) upang maigugol ng mga empleyado ang oras sa salu-salo kasama ang kanilang mga pamilya.

Dahil dito, inanunsyo ni Acting Chief Justice Antonio Carpio na ang trabaho sa lahat ng korte sa buong bansa ay hanggang alas-2:00 lang ng hapon.

Sa Mandaluyong city, ang klase sa lahat ng pampublikong paaralan ay hanggang alas-2:00 lang din.

Sa Navotas naman, suspendido na ang trabaho at klase ng alas-2:00 ng hapon.

Habang sa Pasig City ay wala nang pang-hapon na klase at suspendido na rin ang trabaho ng government employees ng alas-2:00 ng hapon.

Ang tema ng 27th National Family Week Celebration ngayong taon ay ‘Tungo sa Maginhawa, Matatag at panatag na Pamilyang Pilipino’.

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mangunguna sa pagdiriwang.

Layon ng selebrasyon na mapalakas ang pagkakaisa at relasyon ng pamilyang Filipino sa pamamagitan ng pagtaguyod sa Filipino values.

TAGS: 27th National Family Week, Civil Service Commission (CSC), National Committee on the Filipino Family (NCFF), walangpasok, 27th National Family Week, Civil Service Commission (CSC), National Committee on the Filipino Family (NCFF), walangpasok

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.