DOE, dapat hawakan na ang totoong imbentaryo ng langis sa “WAG ANG PIKON!” ni Jake Maderazo

By Jake Maderazo September 22, 2019 - 12:40 PM

Bukas, mararamdaman nating motorista ang unang epekto sa pagkawasak ng dalawang oil processing plants ng Aramco sa Khurais at Abqaiq, Saudi Arabia noong Sabado, Sept 14. Ito’y sinalakay ng 18 attack drones at pitong “cruise missiles” ng mga Iran supported-Houthi Rebel group ng Yemen.

Ayon sa mga oil companies, tataas ang presyo ng gasolina-P2.35/L. Tataas din ang diesel, P1.80/L samantalang P1.75/L naman sa kerosene. Noong Martes, nagtaas din sila ng P1.35/L sa gasolina, P0.85/L sa diesel at P1.00/L sa kerosene. Kung susumahin mula Enero, P7.86/L na ang itinaas ng gasolina. Sa diesel naman ay P5.82/L at kerosene ay P3.76/L.

Habang sinusulat ko ang balitang ito, bumaba na sa $63/bbl ang Brent Crude matapos ihayag ng Saudi Arabia na makakamit nila ang full production ng langis sa buwan ng Oktubre. Umakyat ito ng panandalian sa $66/bbl ang Brent crude noong Lunes matapos ang pambobomba. Kaya lamang, maraming ispekulasyon na ito’y posibleng umabot ng $80/bbl o hanggang $100/bbl, depende sa kapasidad ng Saudi Arabia.

Sa ngayon, mataas pa rin ang tensyon dahil inaakusahan ng Saudi Arabia at Amerika ang Iran na umano’y may kinalaman sa Drone at cruise missile attacks. Ayon sa Iran, ang nagbomba ay mga rebeldeng taga-Yemen na ginigiyera ngayon ng Saudi Arabia at mga kaalyado nito. Sa ngayon, idineklara ng Iran ang “battlefield warning” habang dumating na ang mga sundalong Amerikano sa Saudi Arabia para daw sa “defensive purposes.” Ibig sabihin nito, anumang oras ay maaring sumiklab ang digmaan at lumipad ang presyo at magkulang ng suplay ng langis.

Kaya naman, nakatutok tayo ngayon sa gagawin ni Department of Energy secretary Alfonso Cusi. Meron tayong sapat daw na “fuel inventory” tatagal daw ng 30 araw; ang mga bulk importers ay merong 15 araw samantalang ang LPG ay pitong araw. Ayon kay Cusi, Hindi raw apektado ang ating “power supply” dahil hindi umaasa sa “bunker fuel” ang mga power plants. Pero, ang dapat palakihin ay ang ating “fuel inventory” na pang-isang buwan. Ang problema pa, ito’y batay lang sa “Circular for Minimum Inventory requirement” ng DOE at ang imbentaryo ay nasa kamay ng mga kumpanya ng langis. Ni hindi alam ng DOE, kung ilan talaga ang aktwal na langis sa bawat araw ng mga oil companies sa ilalim ng sarili nitong “business continuity plan” (BCP).

Sa aking palagay, kung seryoso ang gobyerno, ngayon pa lamang ay hawakan na nila ang kabuuang “oil supply situation” habang hindi pa sumisikab ang “oil crisis.” Kailangan nating paabutin ng kahit 90 days o tatlong buwan ang ating “fuel inventory” para hindi ma-shock ang buong bansa sakaling mangyari. Kailangan ng palagian at mas mabisang koordinasyon at pag-uusap ng gobyerno at oil companies. Hanggang ngayon, wala pa ring regular at “coordinated emergency exercises” ng suplay ng langis sa buong bansa bilang pag-responde natin sa oil crisis.

“Political will” ang kailangan ng gobyerno dito. Halimbawa, ang Petron ang pinakamalaking oil company sa bansa at 40% nito ay pag-aari ng gobyerno. Sa pamamagitan nito, kayang kayang planuhin at pangunahan ng gobyerno ang alinmang “emergency oil supply situation” bago magka-windang windang.

Pero, ang malaking tanong, magagawa ba ito ni DOE Secretary Alfonso Cusi?

TAGS: diesel, DOE, gasoline, kerosene, langis, petrolyo, saudi arabia, Sec. Alfonso Cusi, diesel, DOE, gasoline, kerosene, langis, petrolyo, saudi arabia, Sec. Alfonso Cusi

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.