Bagyong Nimfa lumakas pa, nakalabas na ng bansa

Lumakas pa ang Severe Tropical Storm Nimfa habang kumikilos papalayo ng bansa patungong South Korea.

Ayon sa 5am severe weather bulletin ng PAGASA, alas-2:00 ng madaling araw ng lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo.

Huli namataan ang sentro nito sa layong 690 kilometro Hilagang-Silangan ng extreme northern Luzon.

Taglay na ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 110 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 135 kilometro bawat oras.

Kumikilos ito sa bilis na 25 kilometro bawat oras sa direksyong Hilagang-Kanluran.

Ngayong araw, dahil sa southwest monsoon o Habagat, maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkdilat pa rin ang mararanasan sa buong Luzon.

Sa buong Visayas at Mindanao naman ay mainit at maalinsangan ang panahon na may posibilidad ng mga pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.

Samantala, nakataas pa rin ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng Batanes, Calayan, Cagayan, Babuyan, Isabela, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Aurora, Quezon kasama ang Polillo Island.

Read more...