Ang matinding takot na siya ay iwan ng boyfriend matapos na makunan sa ipinagbubuntis ang nag-udyok sa 26-anyos na call center agent na dukutin ang isang bagong silang na sanggol sa isang ospital sa Cebu.
Ito ang pagsisiwalat ng suspek na si Melissa Alilin Londres sa mga otoridad na umamin na sa kanyang ginawang krimen.
Una ay itinatanggi ni Londres na kanyang dinukot ang bata at sinasabing sarili niya itong anak.
Gayunman, umamin na rin ito at sinabing kanyang tinangay ang bagong panganak na sanggol na si Prince Niño Celadania sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa mga magulang nito na sina Jonathan at Jayvee Celadañia.
Ayon kay Sr. Supt. Marlon Tayaba, hepe ng CIDG Central Visayas, inamin ni Londres na napilitan itong tangayin ang bata upang patunayan sa kanyang nobyo na nabuntis siya nito at ang sanggol ay ang kanilang bagong silang na anak.
Una nang nakunan ang suspek at sa pangambang iwan siya ng kanyang nobyo, nagpanggap pa rin itong buntis sa pamamagitan ng paglalagay ng unan sa kanyang tiyan.
Nagawa pang mag-file ng suspek na si Londres ng maternity leave noong December sa kanyang pinagtatrabahuhang call center company at bumili ng mga damit na pambata upang ipakitang tunay itong buntis.
Planado rin aniya ang pagdukot ni Londres sa isang lalakeng sanggol dahil nagawa pa nitong bumili ng puting nurses’ uniform upang makapasok sa ospital at maghanap ng madudukot na batang lalake.
Gayunman, nakunan ng CCTV ang pagtangay nito sa sanggol kaya’t isang kapitbahay nito ang nagturo sa kinaroroonan ng bata at ng suspek.
Nakatakdang kasuhan ng kidnapping ang suspek at ang boyfriend nitong si Philip Winfred Almeria.