12-anyos na bata, nadagdag sa bilang ng namatay dahil sa paputok

By Kathleen Betina Aenlle January 07, 2016 - 04:22 AM SHARE(S):

 

Inquirer file photo

Bukod sa driver ng pedicab sa Sta. Mesa na nasawi nang yakapin ang sinindihang “bombshell” na paputok noong bagong taon, may humabol pang sa bilang ng nasawi sanhi ng paputok ayon sa tala ng Department of Health (DOH).

Isang 12-anyos na batang lalaki mula sa Sta. Rosa, Laguna ang isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center noong Lunes, January 4 na nakitaan ng mga sintomas ng tetanus.

Ayon kay Health Sec. Janette Garin, nag-lockjaw ang bata at nakaranas ng hirap sa paglunok nang dinala siya sa ospital, at pumanaw rin agad noong sumunod na araw.

Lumabas aniya sa inisyal na imbestigasyon na mayroong dalawang sugat ang bata at isa dito ay dahil sa pagpapaputok ng piccolo.

Sa pag-aakalang hindi naman grabe ang sugat na natamo ng bata, hindi agad siya dinala ng kaniyang mga magulang sa pagamutan, at dinala lamang kung kelan na-impeksyon na ng tetanus ang biktima.

Sa huling tally ng DOH, pumalo nasa 929 ang mga nasugatan ng dahil sa paputok, at 8% itong mas mataas kung ikukumpara sa naitala noong nakaraang taon.

Bumaba man ani Garin ang mga kasong naitala dahil sa ibang mga iligal na paputok, umarangkada naman aniya ang bilang ng mga nasaktan dahil sa piccolo.

Gayunman, iginiit ni Garin na mas mababa pa rin ito ng 41 kaso kumpata sa five-year period average.

Sa naitalang 929 na nasugatan, 33 sa mga kaso ay kinailangan ng amputation o pagputol sa bahagi ng katawan na naapektuhan.

Nanatiling sa Metro Manila ang pinakamaraming naitalang insidente na bumubuo sa 56% ng kabuuang bilang, na sinundan naman ng Western Visayas na bumuo sa 9% o 82 sa mga kaso.

Una nang pinaigting ng DOH ang panawagan sa publiko lalo na sa mga magulang na dalhin agad sa pagamutan ang mga maaaksidente ng paputok upang agad na mabigyang lunas at maiwasan ang ganitong pangyayari.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.