Sa 4am weather update ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 580 kilometro Silangan Hilagang-Silangan ng Basco, Batanes.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 90 kilometro bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 25 kilometro sa direksyong pa-Kanluran.
Bagaman papalapit sa Taiwan area, hindi naman nakikitang tatama ang bagyo sa Batanes area.
Bukas ng umaga, inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Nimfa.
Ngayong araw, dahil sa direktang epekto ng southwest monsoon o Habagat, inaasahan pa rin ang mahina hanggang katamtaman na paminsan-minsan ay malalakas na pag-ulan sa Metro Manila, CALABARZON, Mindoro, Romblon, Marinduque.
Sa Palawan, Bicol Region, Ilocos Region, Cagayan Valley at Codillera Administrative Region ay asahan pa rin ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.
Sa buong Visayas at Mindanao naman ay asahan na ang magandang panahon at may mga pag-ulan lamang na dulot ng localized thunderstorms o hapon o gabi.
Nakataas pa rin ngayon ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng Batanes, Calayan, Babuyan, Cagayan, Isabela, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Aurora, Zambales, Bataan, at Quezon kasama ang Polilo Island.