PDEA: Drug paraphernalia ibinebenta sa Lazada

AFP file photo

Pinagpapaliwanag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang online shopping site na Lazada dahil sa umano’y pagbebenta nito ng drug paraphernalia sa kanilang platform.

Sa isang media briefing, sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na nadiskubre nila ang bentahan ng drug paraphernalia sa Lazada matapos ang buy-bust operation sa isang hotel sa Pasig City noong Huwebes.

Umamin anya ang isang drug suspek na nakakabili siya ng ‘tooter’ o ang ginagamit sa paghithit ng droga mula sa Lazada.

Ayon kay Aquino, kailangang ipaliwanag ng Lazada kung bakit may ganito silang items gayong iligal ang pagbebenta nito.

Inihayag pa ni Aquino ang posibilidad na baka mayroon ding iligal na droga na ibinebenta sa online shopping site.

“It was found out for the first time na ang tooter nao-order sa Lazada. So nung una we don’t believe them until we found these items on Lazada. So kung merong mga improvised tooter na binebenta itong mga ‘to, most likely, baka meron na ring droga na binebenta roon,” ani Aquino.

Samantala, sa isang pahayag, sinabi ng Lazada na makikipagtulungan sila sa imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa isyu ng drug paraphernalia.

Ayon sa Lazada, seryoso nilang tinutugunan ang anumang reklamo ukol sa mga produkto na ibinebenta sa kanilang platform.

 

Read more...