Ito ay dahil tapos na ang 15 araw na ultimatum ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bumuo ng 106 tracker teams mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para arestuhin ang 197 pugante na hindi sumuko sa grace period.
Hanggang alas-11:11 kagabi, umabot lamang sa 1,717 heinous crime convicts ang sumuko sa kabuuang 1,914.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, ang ipakakalat na CIDG tracker teams ay bibigyan ng revised lists ng mga pugante.
Gagawin anya lahat ng PNP para muling maaresto ang mga pugante alinsunod sa standard operating procedure at nang may paggalang sa karapatang pantao.
Ayon pa kay Banac, isasagawa ang manhunt may reward man o wala ngunit makatutulong din anya ang pabuya para mahikayat ang mga posibleng impormante laban sa mga convicts na ayaw sumuko.
Nakatakdang ibigay ng Department of Justice (DOJ) sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang revised list ng mga aarestuhin upang maiwasan ang mga kaso ng mistaken identity.