Duterte: Hacienda Luisita ‘fly in the ointment’ ng land reform program ni Cory

E.I. REYMOND T. OREJAS

Muling nagpasaring si Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa hindi pagsama sa Hacienda Luisita sa land reform program ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Sa talumpati sa harap ng mga dating rebelde sa Jamidan, Capiz araw ng Huwebes, tinawag ng pangulo na ‘fly in the ointment’ ang Hacienda Luisita sa land reform program ni Aquino.

Ang ‘‘fly in the ointment’ ay isang idiomatic expression o sawikain na nangangahulugang drawback o balakid.

Ayon sa pangulo, ang nakasagabal sa maganda sanang programa ni Aquino ay ang hindi pagsama sa lupang pagmamay-ari mismo ng kanyang pamilya.

“The law says that there will be land reform, although Cory inexempt niya ‘yung lupa niya. ‘Yun, that was the fly in the ointment. ‘Yun ang nagka-leche doon,” ani Duterte.

Sa talumpati noong Agosto 28 sa Quezon City una nang sinabi ng pangulo na wala siyang kahit anumang sama ng loob sa pamilya Aquino.

Gayunman, tinawag ni Duterte na “greatest aberration” o malaking iregularidad ang hindi pagsama sa Hacienda Luisita sa land reform program na sentro ng social legislative agenda ng administrasyon ni Cory Aquino.

Noong 2011 ipinag-utos na ng Korte Suprema ang pamamahagi sa 4,915 ektaryang lupain ng Hacienda Luisita sa mga benepisyaryong magsasaka.

Agosto 27 ngayong taon nakumpleto na ang distribusyon ng natitirang 112 ektarya ng Hacienda Luisita sa land reform beneficiaries.

 

Read more...