Immigration chief Mison, pinalitan na ng Malacañang

Inquirer file photo

May kapalit na si Immigration Commissioner Siegfred Mison sa Bureau of Immigration.

Sa isang mensahe, sinabi ni DOJ Undersecretary at spokesman Emmanuel Caparas na itinalaga ng Malacañang si Deputy Executive Secretary Ronaldo A. Geron bilang bagong commissioner ng BI.

Ayon kay Caparas, nanumpa na sa kanyang tungkulin si Geron kahapon, January 6, 2016.

Matatandaang si Mison ay nahaharap sa mga kasong administratibo kaugnay sa pagpayag nitong makulong sa isang military facility ang Koreanong si Cho Seongdae noong nakaraang taon.

Sa ulat ng National bureau of Investigation, lumabas na may pananagutan si Mison dahil pinayagan nitong madetine si Cho sa tanggapan ng Intelligence Service of the AFP o ISAFP noong October 21, 2015.

Si Cho, na nasasangkot sa mga mga kaso ng human trafficking sa South Korea ay unang naaresto sa isang entrapment operation noong August 7.

Idinetine ito sa sa kustodiya ng BI noong September 11.

Gayunman, nakatakas ito noong September 29, 2015.

Nang maaresto, ibinunyag nito na may ilang opisyal ng Immigration bureau ang kanyang binayaran ng hanggang isang milyong piso kapalit ng kanyang kalayaan.

Sumunod iton ipinakulong sa ISAFP headquarters sa Kampo Aguinaldo ngunit muli itong nakatakas.

Gayunman, naging ugat ito upang masampahan ng reklamo si Mison dahil lumitaw na walang legal na basehan upang payagan nitong makulong sa isang military facility tulad ng ISAFP ang Korean fugitive.

Bukod kay Mison, inirekomenda rin ng NBI na sampahan ng kaso ang 17 iba pang tauhan at opisyal ng kawanihan.

Si Mison at ang gwardya ng Immigration na si Juan Rafael Ortega ay pinakakasuhan ng NBI ng kasong administratibo na grave misconduct, base sa kanilang isinumiteng ulat sa Department of Justice.

Kasong kriminal na paglabag sa Article 224 ng Revised Penal Code naman ang lumalabas na dapat harapin ng iba pang mga guwardya ng Immigration na sina Lacman Sulay, Pedro Bulawit, Jared Castillo at Juanito Nacario.

Ito din ang kasong ihahain laban sa mga confidential agents na sina Michael Medrano, Ricky Dordas at Allan Pandapatan, maging sa mga custodians ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), kung saan huling kinulong si Cho, na sina Pfc. Richard Medina, Sgts. Joaquin Mendoza at Rene Almazan.

Bukod pa sa mga kasong kriminal, may kasong administratibo na gross neglect of duty ring naghihintay kina Sulay, Bulawit, Medrano, at Dordas.

Haharap din sa parehong kasong administratibo ang mga confidential agents na sina Crisanto Arquio, Marcos Marzan, Genaro Dorpes, Emer Bongolan at L’Rev de la Cruz.

Read more...