Luzon at W. Visayas uulanin pa rin dahil sa Tropical Storm Nimfa at Habagat

By Rhommel Balasbas September 19, 2019 - 11:15 PM

Nakakaapekto pa rin ang kaulapan ng Tropical Storm Nimfa at ang hinahatak nitong Habagat sa Luzon at sa Western Visayas.

Ayon sa 11pm severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 715 kilometro Silangan Hilagang-Silangan ng Basco, Batanes.

Taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kilometro bawat oras.

Kumikilos ang bagyo sa direksyong Hilaga Hilagang-Kanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras.

Hindi pa rin inaasahang tatama sa kalupaan ang bagyo at sa Sabado ng umaga ito posibleng lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ngayong gabi, dahil sa Habagat, makararanas ng mahihina hanggang sa katamtaman na paminsan-minsan ay malalakas na pag-uulan sa Metro Manila, Central Luzon at CALABARZON.

Dahil sa pinagsamang epekto naman ng trough o buntot ng bagyo at Habagat, mahina hanggang katamtaman na paminsan-minsan ay malalakas na pag-ulan din ang mararanasan sa Bicol Region, Pangasinan, Mindoro Provinces, Romblon, Marinduque, at Calamian Islands.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga mabababang lugar sa nasabing mga lalawigan sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Maulap naman ang kalangitan sa nalalabing bahagi ng Luzon na may kalat-lalat din na mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.

Mapanganib at ipinagbabawal pa rin ang paglalayag sa seaboards ng Northern at Central Luzon at eastern seaboard ng Southern Luzon.

 

TAGS: Bagyong Nimfa, buntot, habagat, Luzon, Pagasa, PAR, trough, western visayas, Bagyong Nimfa, buntot, habagat, Luzon, Pagasa, PAR, trough, western visayas

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.