BuCor officials nadiin sa pananatili sa private hospitals ng ilang high profile inmates

Nabisto sa ginawang pagdinig sa Senado ang ilang beses na paglabas sa kanyang kulungan sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City ng drug queen na si Yu Yuk Lai.

Kabilang dito ang pananatili niya sa Metropolitan Hospital sa Maynila dahil sa “facial pain” bagay na ipinagtataka ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon.

Sinabi ni Gordon na ilang beses na silang nakatanggap ng mga sumbong kaugnay sa pagpapa-confine sa ilang ospital ng ilang high profile prisoners kapalit ng malaking halaga ng pera.

Sa kaso ni Yu Yuk Lai ay napag-alaman na ilan beses siyang pinayagan ng mga Bureau of Corrections officials na ma-confined sa ilang pribadong ospital kahit na hindi naman maituturing na mapanganib ang kanyang karamdaman.

Bukod sa nasabing drug queen ay ilang mga high profile inmates rin ang napatunayang labas-masok sa ilang pribadong ospital dahil may basbas ito ng ilang BuCor officials.

Sinabi ni Sen. Bong Go na may hawak siyang patunay na nagkakaroon ng bayaran kaya napapayagang manatili sa mga pribadong ospital ang ilang mga preso kahit hindi naman mapanganib ang kanilang mga sitwasyon.

Binanggit rin ni Go ang pangalan ni Dr. Ernesto Tamayo, medical chief ng NBP hospital na tumatanggap umano ng bayad mula sa mga mayayamang preso.

Read more...